"𝐒𝐀𝐍𝐀𝐘𝐀𝐍 𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐀𝐓𝐀𝐘" 𝐧𝐢 𝐅𝐫. 𝐀𝐥𝐛𝐞𝐫𝐭 𝐀𝐥𝐞𝐣𝐨
SANAYAN LANG ANG PAGPATAY
Fr. Albert Alejo, SJ
(Para sa sektor nating pumapatay ng tao)
Pagpatay ng tao? Sanayan lang ‘yan pare.
Parang sa butiki. Sa una siyempre
Ikaw’y nangingimi. Hindi mo masikmurang
Tiradurin o hampasing tulad ng ipis o lamok
Pagkat para bang lagi ‘yang nakadapo
Sa noo ng santo sa altar
At tila may tinig na nagsasabing
Bawal bawal bawal ‘yang pumatay.
Subalit tulad lang ng maraming bagay
Ang pagpatay ay natututuhan din kung magtitiyaga
Kang makinig sa may higit na karanasan.
Nakuha ko sa tiyuhin ko kung paanong balibagin ng tsinelas
O pilantikin ng lampin ang nakatitig na butiki sa aming kisame
At kapag nalaglag na’t nagkikikisay sa sahig
Ay agad ipitin nang hindi makapuslit
Habang dahan-dahang tinitipon ang buong bigat
Sa isang paang nakatingkayad: sabay bagsak.
Magandang pagsasanay ito sapagkat
Hindi mo nakikita, naririnig lamang na lumalangutngot
Ang buo’t bungo ng lintik na butiking hindi na makahalutiktik.
(Kung sa bagay, kilabot din ‘yan sa mga gamu-gamo.)
Nang magtagal-tagal ay naging malikhain na rin
Ang aking mga kamay sa pagdukit ng mata,
Pagbleyd ng paa, pagpisa ng itlog sa loob ng tiyan
Hanggang mamilipit ‘yang parang nasa ibabaw ng baga.
O kung panahon ng Pasko’t maraming paputok
Maingat kong sinusubuan ‘yan ng rebentador
Upang sa pagsabog ay magpaalaman ang nguso at buntot.
(Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit
Patuloy pa rin ‘yang nadaragdagan.) Kaya’t ang pagpatay ay nakasasawa rin kung minsan.
Mabuti na lamang at nakaluluwag ng loob
Ang pinto at bintanang kahit hindi mo sinasadya
At may paraan ng pagpuksa ng buhay.
Ganyang lang talaga ang pagpatay:
Kung hindi ako ay iba naman ang babanat;
Kung hindi ngayon ay sa iba namang oras.
Subalit ang higit na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob
Ay ang malalim nating pagsasamahan:
Habang ako’y pumapatay, kayo nama’y nanonood.
Pagtataya
1. Sino ang personang nagsasalita sa tula? Ano ang kanyang sinabi?
—Ang personang nagsasalita sa tula ay si "Fr. Albert Alejo, SJ" na pinamagatang sanayan lang ang pagpatay, sinabi nya rito sa tula kung paano ang pagpatay ay brutal sa kauna- unahang pagkakataon. Ngunit, kung nasanay kana maari mong tapusin na ang pagtatapos ng buhay ay parang madali lang para sayo. Ito rin ay nagpapakita ng mga hindi mabuting nagaganap sa kasalukuyang administrasyon, ang pagiging pangit na pagpaslang at kung paano naging madali ang pagpatay sa panahon ngayon. Ang persona mismo ang nagsalita tungkol sa karahasan na naglalarawan sa panahong iyon. Sa tulang ito makikita ang mga tao ay hindi magkakaroon ng kamalayan sa laganap na pagkamatay na nagaganap sa kasalukuyan at ang negatibong epekto na hatid nito sa mga tao ng pagdurusa, kalupitan at karahasan na nagaganap sa Pilipinas sa panahon ng gyera kontra droga.
2. Anong hayop ang pinapaslang sa tula? Paano ito natutulad sa pagpaslang sa tao?
— Ang hayop na tinutukoy sa pagpaslang sa tula ay ang "Butiki" na kung saan ay isinalaysay ng persona kung paano inihalintulad ito sa aksyon kung paano pumatay ng isang butiki sa pagpatay ng tao. Ipinapakita sa tula kung paano ang isang tao gigil pumatay at nagpapasaya na nagpapakita ng butiki na nahihirapan hanggang sa mamatay. Ito ay tungkol sa mga taong nagsasakripisyo para sa kaligayahan ng iba. Mga taong pinaslang
ng walang kalaban-laban at walang pagdadalawang isip, basta- basta nalang pumatay kahit mga enosenteng tao ay nadadamay.
3. Ano ang ibig sabihin ng huling taludtod ng tula?
— May mga taong nagbubulag-bulagan sa ating lipunan kahit nakikita nila ang mga paglaspastangan sa karapatang pantao, ngunit ang iba ay walang pakealam at walang alam sa nangyayari sa kanilang paligid. Nakapaloob sa saknong sa huling linya ng taludtod ng tula na "habang ako'y pumapatay, kayo nama'y nanunuod" sa linyang ito nagpapakita kung ano ang nangyayari sa ating lipunan mga taong nasa mataas na posisyon ng gobyerno ngunit ang iba ay hindi magawang maaksyunan ang mga ganitong pangyayaring nagaganap sa ating lipunan bagkus ay parang pinapanuod nalang at parang walang pakealam kahit marami ng napapaslang. Sa ating lipunan hindi mo mahahangad ang hustisya kung wala kang pera kaya masakit isipin na yung mga taong mahirap na naghahangad ng hustisya ay hindi nila makakamit, sabi nga ng iba ang hustisya ay para lamang sa may pera. Kaya maraming Pilipino ang pinaslang dahil nagbubulag- bulagan pa rin ang gobyerno kung paano lutasin ang mga ganitong problema na kinakaharap ng ating bansa.
4. Kanino inaalay ng may-akda ang tula? Sino-sino kaya sila?
— Ang tula na sanayan lang pagpatay ni Fr. Albert Alejo, SJ ay inaalay niya ito sa pagsasagawa ng pagpatay na nakatuon sa sektor na pumapatay para sa ikabubuhay, mga taong mataas ang posisyon sa gobyerno at ginagamit ang kanilang kapangyarihan para pumatay.
Mungkahing Gawain
1. Magsaliksik tungkol sa partikular na kaso ng pagpaslang sa panahon ng kasalukuyang administrasyon. Matapos ay gumawa ng maikling reaksyong papel hinggil sa kasong nasaliksik.
Walang Katapusang “Giyera Kontra Droga”
Ayon sa opisyal na numero ng gobyerno, pumaslang ang Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ng 5,903 tao sa mga operasyong kontra-droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Setyembre 30, 2020. Hindi kabilang dito ang mga napaslang ng mga di-kilalang armado na pinaniniwalaan ng Human Rights Watch at iba pang tagamasid ng karapatan na konektado sa lokal na pulisya at mga opisyal. Tinataya ng ibang source, tulad ng UN Office of the High Commissioner for Human Rights, na ang death toll ay nasa 8,663, gayong pinaniniwalaan ng mga lokal na grupong pangkarapatang pantao, kabilang ang Commission on Human Rights, na ang totoong bilang ay maaaring triple ng naiulat ng OHCHR.
Batay sa estadistikang inilabas ng gobyerno sa #RealNUmbersPH, tumaas nang mahigit sa 50 porsiyento noong mga buwan ng lockdown mula Abril hanggang Hulyo. Kabilang sa lubhang apektado sa karahasan ng “giyera kontra droga” ay mga bata na naulila ng mga biktima. Ang mga bata ay lalong nalugmok sa kahirapan, dumanas ng matinding sikolohikal na pagdurusa, kadalasang humihinto sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pera at iba pang kadahilanan, at dumadanas ng bullying sa eskuwelahan o komunidad.
Karamihan sa “drug war” killings ay hindi pa seryosong iniimbestigahan ng mga awtoridad. Bilang lang sa daliri ang mga kaso na nasa iba’t ibang yugto ng imbestigasyon ng tagausig. Isang kaso lang—ang nakunan ng video ng pagpatay sa 17-taong si Kian delos Santos noong Agosto 2017 – ang nagresulta sa pagkahatol sa ilang pulis.
Nakakaduda na may silbi ang paglikha ng komite, na unang ipinangako ng kalihim ng hustisya ng UN Human Rights Council, para imbestigahan ang kaso ng pagkakasangkot ng pulisya sa mga pamamaslang dahil ang napiling mga ahensiya na magpatakbo ng komite ay may prominenteng papel at responsable sa pamamaslang.
Patuloy na nanghihimok ng pamamaslang si Pangulong Duterte, inutusan niya ang mga opisyal ng customs noong Setyembre na patayin ang mga pinaghihinalaang drug smuggler. Palagi rin niyang tinutuligsa at binabalewala ang mga grupong nambabatikos sa “giyera kontra droga,” inakusahan niya sila na “ginagamit ang karapatang pantao.”
Reaksyong Papel:
— Sa pagkakaupo ng ating bagong pangulo na si President Rodrigo Duterte maraming mamamayan ang nagsabing "Change is Coming" at sa mga nangyayari ngayon nakikita natin ang tunay na pagbabago ng Pilipinas dahil kay Duterte. Sa ilang taon na pagkakaupo ni Pangulong Duterte maraming adik sa droga ang sumuko na sa kanya. Sa nakaraang taon ang madugong kampanya kontra droga ay walang katapusan at nagresulta ng pagkamatay ng maraming Pilipino na hinahinalaang sangkot sa droga, gayunpaman kabado pa rin ang mga pinoy sa mga krimeng nangyayari sa paligid. Maraming Pilipino ang namamatay araw- araw ,mga pamilyang nangungulila sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay dahil sa laban kontra droga, napapanuod natin sa telebisyon ang pag raraly ng ang mga tao laban kontra droga dahil para sa kanila hindi raw makatarungan ang kanyang ginagawa, dahil labag ito sa karapatang pantao.
Habang tumatagal, unti- unting nauungkat ang maruming kalakaran ng ipinagbabawal na gamot sa ating lipunan. Kaya naman bumilis ang paglaki ng death rate sa Pilipinas dahil halos ang pinapatay ng mga pulis ay ang mga taong lulong sa droga. Sa kabila ng kaliwa't kanang pagbatikos ng mga human rights at religious group hinggil sa extra judicial killing at paglabag sa karapatang pantao, nanindigan ang ating pangulo na hindi siya titigil sa kampanya kontra droga.
Kaya naman walang saysay ang paglago ng ating ekonomiya kung hindi makikinabang dito ang mahihirap dahil sila ay pinapatay. Hindi natin mapapalawak ang kanilang mga kakayahan, oportunidad, at kalayaan kung sila naman ay walang habas na pinapaslang sa kalsada. Sa mga artikulo at balita, ang mga ito ay nagsasabi ng iba't ibang negatibong epekto ng gyera kontra droga ng ating pangulo. Kaya leksyon sa ating mga Pilipino lalong- lalo na sa mga kabataan na paigtingin pa ng mabuti ang ating kritikal na pag-iisip sa pagpili ng maihalal na presidente para wala tayong pagsisihan kung sino ang karapat- dapat na mamuno sa ating bansa.
2. Nakasusulat ng sariling akdang pampanitikang tumatalakay sa iba't ibang isyu ukol sa karapatang pantao.
— Lahat ng tao’y may karapatan
tayo’y hindi dapat magpaapi na lamang
sa sinumang taong pawang mga gahaman
dapat matuto ngang sa kanila’y lumaban
pagkat mga tulad nila’y pawang iilan
lahat ng tao sa mundo’y may karapatan
na mabuhay sa mundo ng may kalayaan
‘di niya karapatang maapi ninuman
at ‘di rin karapatang mapagsamantalahan
ngunit karapatan niyang makipaglaban
at huwag mabuhay sa takot kaninuman
kaya nga maraming bayaning nagsulputan
para sa paglaya’y nakikipagpatayan
sa sama-sama’y may lakas tayo, kabayan
ipakita natin ang ating kalakasan
ating babaguhin ang bulok na lipunan
at ating dudurugin ang ating kalaban
3. Mapahalagan ang dinamikong ugnayan ng panlipunang realidad at ng panitikan.
—Malaki ang naitutulong ng panitikan sa ating mga indibidwal na buhay, at sa buhay ng ating lipunan. Unang una, nagbibigay ang panitikan ng isang magandang pagtakas sa realidad at ibinabahagi nito ang isang uri ng libangan para sa mga tao. Ikalawa, nagkakaroon ng malaking tulong ang panitikan sa pag-hulma ng lipunan dahil tinutulungan nito ang mga mamamayan na bumuo ng opinyon sa mundo at kwestiyonin ang kasalukuyang sistema. Dahil dito, nagkakaroon ng pagbabago sa pangkalahatan ng lipunan na siya namang nagbibigay buhay dito. Dahil din sa Panitikan ay nagkakaroon ng pag-asa ang mga miyembro ng Lipunan upang ipagpatuloy ang kanilang buhay at mga gampanin. Ang panitikan ay nagsasalamin sa kulturang pinagmulan nito.