" 𝐀𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐢𝐠𝐢𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐤𝐥𝐚 𝐚𝐲 𝐏𝐚𝐠𝐤𝐚𝐛𝐚𝐲𝐮𝐡𝐚𝐲 𝐫𝐢𝐧 𝐬𝐚 𝐊𝐫𝐮𝐬 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐥𝐛𝐚𝐫𝐲𝐨" 𝐧𝐢 𝐑𝐨𝐥𝐚𝐧𝐝𝐨 𝐀. 𝐁𝐞𝐫𝐧𝐚𝐥𝐞𝐬

" ANG PAGIGING BAKLA AY PAGKABAYUHAY RIN SA KRUS NG KALBARYO "

ni Rolando A. Bernales
Mula sa antolohiyang Taguan: Dalawang Dekada ng Pagsusulat at Pagkamulat

Ang pagiging bakla ay habambuhay
Na pagkabayubay sa krus ng kalbaryo
Papasanin mo ang krus sa iyong balikat
Habang ngalalakad sa kung saan- saang lansangan
Di laging sementado o aspaltado ang daan
Madalas ay mabato, maputik o masukal
Mapalad kung walang magpupukol ng bato o
Mangangahas na bumulalas ng pangungutya
Kailangang tiisin ang matatalas na sulyap
O bulung- bulungan at matutunog na halakhak
Di kailangang lumingon pa, di sila dapat kilalanin
Sapagkat sila'y iba't ibang mukha: bata, matanda
Lalaki, babae, ina, ama, anak o kapatid, mayaman o mahirap, 
kilala o di kilala
Sinong pipigil sa kanila? hindi ikaw
Anong lakas meron ka upang tumutol?
Makapaghihimagsik ka pa ba kung ang iyong palad
At ang iyong paa'y ipinako na ng lipunan
Sa likong kultura't tradisyon at bulok na paniniwalang
Nagdidiktang ang pagiging bakla ay isang kasalanan
Na nararapat na pagdusahan sa krus ng kalbaryo
Kahit na ika'y magpumilit na magpakarangal.

Gabay sa Pagsusuri

1. Ipaliwanag ang pamagat ng tula. Bakit gayon ang sinabi ng may- akda sa pamagat? 

Sa pamagat ng tula inilalarawan ng may akda ang kalagayan ng isang bakla sa lipunan– masalimuot, masakit, nakakahiya. Karamihan sa mga tao ay mapanghusga base sa kung ano ang kanilang nakikita kaya ang mga biktima ay walang magawa. Ipinararating ng tulang ito na ang lipunan ang nagtatakda kung sino ang maaaring galangin, kilalanin at buhayin. Oo buhayin. Maraming bakla ang nagpapakamatay dahil hindi nila kayang dalhin ang dikta ng mga taong nangmamata sa kanila, kahit anong gawin nilang pagsusumikap, nakapako sila sa pagkalugmok na ipinaskil ng lipunan sa kanilang pagkatao.

2. Sino ang sinasabi sa tulang iba't- ibang mukha? Ano ang ginagawa nila? 

Ang itinutukoy sa sinabi sa tulang iba't ibang mukha ay ang mga kalalakihang may kilos babae o pusong babae na kung saan hindi tanggap ng mga taong nakapaligid sa kanila ang kanilang pagkatao, kung kaya't sila ay hinuhusgahan, minamaliit, kinukutya. Ngunit sa kabila ng panghuhusga ng mga tao ay patuloy pa rin sila na harapin at ipakita kung ano sila at kung ano ang kanilang pagkatao. 

3. Tukuyin ang mga sinasabi sa tulang likong kultura't tradisyon at bulok na paniniwala?

Sa isang bansang may konserbatibong kultura, ang pagiging bakla ay kadalasang makikita bilang isang kamalasan, sumpa at kung ano-ano pang mga kataga na nakakasirang puri. Marami sa miyembro ng ating lipunan ang nagsasabi na ang bakla ay maaaring mangahulugan ng hindi lamang iisa kundi marami pa. Isang katagang bansag para sa kanilang mga itinuturing na kakaiba sa lipunan base sa kanilang postora at galaw. Sa isang lipunang puno ng mga matang mapanghusga kahit wala kang sinasabi o ginagawa ay huhusgahan at isusumpa ka dahil nga para sa kanila ikaw ay isang hamak lamang na bakla. Hinuhusgahan ka nila base sa iyong kasarian. Sa konsepto at paniniwalang dalawa lamang ang nilikha, ang babae at lalaki at ang mga bakla o maging tomboy ay tila ba hindi nabibilang sa mga nilikha. Pero kung mamarapatin, ang bakla ay lalaki pa rin at ang tomboy ay babae pa rin sa kabila ng mga ikinakabit na paniniwala at katawagan subalit ang katotohanan ay hindi mabali kailan man. Hindi masama ang pagiging bakla, nasisira nga lang ang imahe ng mga bakla dahil sa pinagagawa ng iba na sa tingin ng madla ay di- kaaya-aya. May mga pagkukulang man sila pero hindi lang iyan ang dapat mong makita. May kakayahan din sila at potensyal na dapat nating mapuna. Sa makabagong mundong ating ginagalawan ang iilan sa kanila ay gumagawa ng hindi lamang ng pangalan kundi pati na rin karangalan para sa bayan. Patunay na hindi lang babae at lakaki ang maaaring maipagmalaki kundi pati na rin ang mga bakla. 

Mga sikat na post sa blog na ito

"𝐈𝐒𝐊𝐖𝐀𝐓𝐄𝐑"

"𝐒𝐀𝐍𝐀𝐘𝐀𝐍 𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐀𝐓𝐀𝐘" 𝐧𝐢 𝐅𝐫. 𝐀𝐥𝐛𝐞𝐫𝐭 𝐀𝐥𝐞𝐣𝐨